NEVER SURRENDER


Why do they call it a CRUSH? 
Because that's how you feel when they don't feel the same way in return.





kailan nga ba nagiging "light" ang dapat ay "heavy"
iyon bang dapat yata'y nakangiwi ka ngunit ikaw ay napangiti
naalala mo kasi ang nakaraan at hindi ang kasalukuyang pangyayari
"mixed emotions" ang tawag sa halo-halong emosyon kulay ube pati

isang hapon noon at laganap ang New Wave Music sa radyo
dumating siyang nakaporma't ang hinahanap ay hindi ako
"wala rito ang "syota" mo't nagbabasketbol sa may kanto"
siya'y umupo sa aking harapan "ehem puwede ba dito"?

bakit nga ba hindi't siya'y aking bisita't mukhang maginoo
ang gara talaga ng kanyang porma't ito'y gustung-gusto ko
ang kanyang tindig ang kanyang buhok ako'y nabighani
ang kanyang pabango'y kumalat na sa aming sala't paano ba ito

hindi ko na halos matandaan ang buong detalye ng aming pinag-usapan
mas malamang ang ala-ala ng kanyang mukha't gaya ng larawan
mahilig siyang tumugtog ng plaka't magsayaw kasama'y mga kaibigan
madalas siyang pumasyal ng bahay "hi" at "bye" ang aming turingan

matapos na nga siya'y aking pagkatitigan at halos mahubaran
sa wakas siya'y nagtanong "lagi ka lang sa bahay?" ang nasimulan
nakita na niyang nagbabasa ako ng aklat nang siya'y dumating
ang ibig sabihin nun kaya"y "nakakabagot kang tingnan at boring"

hindi kasi ako mahilig maggala katulad niya'y isang burgis
hindi rin ako mahilig magparty o e bakit siya'y bumungisngis
ang sabi niya'y kilala raw ako't magaling sa aming paaralan
siya raw ay tamad mag-aral pumapasok lang siya't kailangan

siya nga ang aking unang crush at ako sa kanya'y humahanga
sa oras ng recess siya'y dadaan at ang leeg ko'y nagkakandahaba
ang biruan tungkol sa kanya'y ako'y naduduwag at labis na nahihiya
batid ito ng aking mga malalapit na kaibigan at ako'y buking na

paano nga ba nawakasan ang aming maliit na kuwentuhan
tinanong yata niya ako kung marunong akong magsayaw ganyan
aba'y oo naman sunod din ako sa uso't hindi naman ako si Paraluman
mas gusto niya raw ang simpleng babae't hindi utak ang kayamanan

aray! hindi pa ako nakaka first base ngunit malabo na ang home run
hindi rin pala siya manhid iyon nga lang siya'y maprinsipyo't ewan
"galingan mo" nanood siya sa huling pagsasabit sa akin ng karangalan
sa paglapat sa akin ng medalya'y sabay niyang pagtalikod at lumisan

kababawan nga noon at ngayo'y kalungkutan at siya'y lumisan na sa mundo
ako'y dating kabataan at humahanga sa katulad niyang kabaligtaran ko
siya ang aking naging idolo sa pagiging tapat malaya't mailap at walang motibo
masayang alalahanin kahit sa maikling sandali't siya'y naging bahagi ng kabataan ko

For Hernando Mayor (R.I.P.) 




Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat