INRI

This is for you "Elena". Wishing You a Blessed and Happy Easter!
 Karl IV im Germanischen Nationalmuseum, Nürnberg 

dahan-dahan at hila-hila ko ang aking matandang kalabaw
ang aking asawang si Laleng ay may sakit at nakasakay sa ibabaw
binalot ko siya nang husto ng lumang kumot at siya'y nagiginaw
nakakaupo siya't ngunit mataas ang lagnat at sadyang mapanglaw

masungit ang panahon at maputik ang daan at mga paa ko'y nakabaon
manipis ang aking kasuotan at wasak-wasak din ang aking pantalon
mahaba ang aking buhok at kung tawagin nila ako'y si Balbon
wala akong pirmihang trabaho't isa akong palaboy at isang simaron

naglalakbay kami't papunta sa aming kamag-anak sa hindi kalayuan
siguro naman kami'y tatanggapin at sila'y aking mga pinsan
maraming beses ako'y kumatok at sana nga ako'y kanilang pagbuksan
ako'y nagsisibak ng kahoy at umiigib ng tubig para sa kanila kung minsan

aba'y malalim na ang gabi't bakit kayo naparito ano'ng iyong kailangan
maaari ba Kuring na kami'y iyong patuluyin at pagod na ang aming katawan
naku! hindi maaari't wala kaming labis na banig na inyong mahihigan
hoy Balbon! saan mo nga pala dinala ang mga manok at kami'y iyong ninakawan

blag! pinagsarahan nga kami ng pinto't kami'y nagpatuloy
umuubo pa rin ang aking asawa't saan kaya kami tutuloy
tama! malapit na ang munting kubo ni tandang Maning Abuloy
siya ang utangan sa baryo kapag may patay siya'y nag-aabuloy

Ka Maning mabuti't narito ka maysakit si Laleng ang aking asawa
nasira ang aming kubo dahil sa malakas na ulan at hangin maniwala ka
maaari bang kami ngayong gabi sa iyo'y makituloy na pansamantala
ako na ang magbubuhat ng iyong paninda sa umaga't babayaran din kita

pinaalis din kami ni Ka Maning at ako raw ay hindi marunong magbayad
isa raw akong sinungaling at ang utang ko raw sa kanya ay nakababad
may kalamigan na ang gabi't ang asawa ko'y magdamag ng nakabilad
sila'y may dahilan para kami'y tanggihan at sa pangako'y hindi ako tumutupad

huminto na nga muna kami sa may ilalim ng puno ng mangga
si Ka Goleng ang may-ari at ako'y dati niyang manggagawa
nang minsan ay kinupitan ko siya ng tatlong kahon ng mangga
ako'y kanyang itinakwil at kulang daw ako sa sipag at tiyaga

niyapos ko't hinagkan ang aking nanginginig na butihing asawa
tumulo ang aking luha't ibig ko ng magsisi sa aking mga pinaggagawa
ako'y isang makasarili't pasaway at palalo't walang silbing asawa
nabubuhay ako sa pagnanakaw at panlalamang ng aking kapwa

mayroon lang sana sa aming kumupkop ngayong gabi't ako'y nangangako
ako'y talagang magpapakatino sa aking asawa't magbabago ng totoo
hindi na ako magnanakaw at magsusugal at ako'y magsisikap sa pagtratrabaho
sana'y hindi pa huli ang lahat O' Diyos ko ako'y Iyong patawarin tulungan mo ako!

biglang ako'y nakakita ng matinding liwanag sa may loob ng kural at doon
sinundan ko ang isang maputing tupa't naglalakad patungo kaya doon
sa abandonadong kural inihiga ko ang aking asawa't sa ibabaw ng mga dahon
may padating na nakakasilaw na liwanag at nakita ko ang ating Panginoon

bigla akong napaluhod at niyuko ang aking ulo't tanda ng aking pagsisisi
ipinikit ko ang aking mga mata habang ako'y lumuluha't  natatakot sa mangyayari
inilapat Niya ang Kanyang kamay sa aking ulo't naramdaman ko ang Kanyang haplos
ako'y Kanyang binasbasan bilang bagong tao't tungo sa pagbabago at Salamat O' Diyos!

Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat