SYLVIA


"Ain't nobody
Loves me better
Makes me happy
Makes me feel this way
Ain't nobody
Loves me better than you"
Happy 7th Birthday, Anak!  We Love You! 



hindi na mabilang ang mga matatamis na sandali't mga taon na pinaghintay
subalit ang aking pinakahihiling sa Kanya'y sa akin din binigay
akala ko pa naman ay hindi na't ako na'y sumablay at kami'y nasa Dubai
"kung hindi ukol ay hindi bubukol" at iyan din ang aking palagay

nang mag-umpisa ako'y simple lang ang aking nararamdaman

masarap lagi ang tulog at ang lamig sa kuwarto'y katamtaman
sa pagkain ang hilig ko'y mapuputi't ayoko ng bagoong alamang
gusto ko ng kanin at tocino't madaming kamatis ang sawsawan

tuwing kami'y matutulog si mister ay laging nagrereklamo

lagi ko kasing sinasabing ayoko ng kanyang pabango
pwede ba Darling huwag ka ng magpabango't ikaw ay maligo
kung hindi doon ka matulog sa kabilang kuwarto at ang baho mo

mag-aanim na buwan na nga't kailangan na nga ako sa Amerika pumunta

makakapiling ko na ang aking panganay na anak at ang aking ama
si mister naman ay siguradong pagkaraan ng ilang buwan kami'y magkikita
lahat ay nasasabik at ako’y makakabalik na muli sa LA at ang saya-saya

makalipas pa ang isang buwan at palaki na nga ako ng palaki

lahat ng pagkaing Pinoy sa karinderia't supermarket ay aking binibili
nagkakain ako ng relyenong bangus siopao leche flan at mami
nagluluto pa ako ng sinigang na ulo ng salmon tinola at spaghetti

"O awat ka ng kumain para mo ng awa anak" ito talagang si tatay ay KJ

ako'y laging gutom at ito'y hindi lang para sa akin at ito'y para kay "J"
oo nga pala dapat na akong mag-isip ng pangalan na nagsisimula sa "J"
gusto ko sana'y lalaki ang aking bunso...ang aking bunsong baby "J"

ang check-up ko lagi'y doon sa klinika't kwarentay singko minuto ang layo

lahat kaming buntis ay "Maria" ang pangalan at sila kasi'y mga Mexicano
nung una ay tinawag ang pangalang "Maria" at ako'y mabilis na tumayo
e hindi naman pala ako't may lima pang ibang buntis na "Maria" at napahiya tuloy ako

09.02.10 at alas-onse ng umaga'y ang araw ng aking "Ceasarian" at isang operasyon

nakalimutan ko ang bilin ng doktor na huwag kumain sa umaga't kaya napostponed
kumain ako ng sinangag sa almusal kaya ginawang alas-singko ng hapon
ang tagal ng aking pinaghintay at nainip ako ng labis sa aking sitwasyon

sa wakas at ako na nga'y nakahiga sa operating room

ang duktor ko'y si Kossari at biniro pa akong "this is ain’t panic room”
I am ready get set go! at feeling ko'y ako na'y biniyak
sigurado namang painless kaya walang sakit tiyak

subalit napaigtad ako nang ang baby ko sa loob ay kanyang hinila

paglabas ang lakas ng iyak ng aking bunso't maingay talaga
“it’s a beautiful baby girl!” ang sabi ng duktor at sa akin ay ipinakita
O talaga naman ang aking baby girl ay kay bilog at pulang-pula

akala ko'y tinatahi na ako't biglang sabi ng doktor ”I found a cyst on your left ovary”
“shall I take it, yes or no?” at syempre naman dapat tanggalin hindi ba’t kadiri
nagkukuwentuhan pa sila ng mga nars at nagtatawanan parang walang nangyayari
biglang BP ko'y tumaas at gininaw ako't inatake ng nerbiyos OMG! nag-alala ako kasi

laki ng aking pasasalamat sa Itaas at ako'y nakaraos nang maayos at maluwalhati
ang buti ng ospital at ang aking duktor at mga nars ay inasikaso kami ng aking anak nang mabuti
totoo talaga ang kasabihang "ang isang paa ng isang ina'y nasa hukay habang nagsisilang ng baby"
ako rin ay nagpatali na't ang aking bunso'y sadyang huli't isang pangako ko sa aking sarili





Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat