THORNS OF LIFE



nakalatag na ang dahon ng saging sa hapagkainan
inin na rin ang kanin at may mahaba tayong mesa't upuan
naghugas na ba kayo ng kamay at huwag kaligtaan
may salu-salong magaganap at ito'y isang masaganang handaan

pag-upo mo nga't hindi maaaring itataas ang iyong paa
magkakamay din at nasasabik na sa iyong mga nakita
bibilutin ang kanin sa iyong palad at ikaw ay gutom na
O kay sarap ng pinangat na isda at inihaw na isdang tilapia

ayon sa matatanda't hindi ba't mayroon tayong kasabihan
ang pagkain ay grasya't kung kumakain ay dapat katahimikan
masarap bang sipsipin ang ulo ng isda't habang nagtatawanan
malutong pa ang balat at may toyo't kalamansi't sili ang sawsawan

dumating na ang iyong mapagbirong tadhana't ikaw ay napatulala
agghh! mayroon kang tinuturo sa loob ng iyong malaking bunganga
hinahataw mo pa ang iyong kaliwang kamay at nagpapapansin sa iba
humihingi ka ng saklolo't sa lalamunan mo'y biglang may bumara

sa pagkakataong ito'y hindi ka na matawa at walang masabi
tumutulo na ang iyong luha't nasasaktan ka't para kang naiihi
ilang beses ka ng tinanong at binatukan ng iyong mga katabi
kumain ka ng saging uminom ka ng tubig ano ba't dutdutin mo na kasi

lumalakad ako ng hindi mo nakikita at kayo'y aking pinagmamasdan
sila'y nakatingin ngunit patuloy pa rin ang kain at karamihan pa'y nagtatawanan
ang katapat mo raw ay isang malaking tinik at marahil  iyan ang dahilan
ikaw pa rin ay nakaupo't pawisan at hawak hawak na ang iyong lalamunan

ikaw nga ba'y masama't pasaway at isa kang "tinik sa lalamunan"
kung bakit iyan ang inyong paratang kapag kayo'y nag-aalitan
kapag nahugot ba ang tinik ay lunas na sa inyong karamdaman
ilang beses ka ng natinik at nauulit ba o hindi rin sadyang maiwasan

ako nga'y nakatayo na sa iyong tabi't naalala mo kaya ang dati
nang ako'y pinutungan ng korona at ang dugo'y dumaloy pati
ako'y pinagtawanan din at ang mga tinik ay hindi ko inintindi
ang paglibak sa aking pagkatao't ang sakit ay aking sinarili

ang mundong inyong ginagalawan ay malawak at nakakaaliw
inyo ang lahat ng araw ngunit ang Linggo ay akin at hindi magmamaliw
mangilin kayo sa akin at ipakitang ako'y iyong tunay na ginigiliw
ang mundo'y napapalibutan ng tinik ngunit huwag ka sa aking bibitiw




"ipikit mo ngayon din ang iyong mga mata at hahawakan kita
nadinig kong pangalan ko'y iyong binanggit sa huli bakit nga ba?"



Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat