PINOY POTLUCK

ang ibig sabihin ay kanya-kanya tayong dala ng pagkain
hindi paramihan o hindi pasarapan basta mayroong maiihain
may piknik sa park o maliligo sa dagat o salu-salo sa hardin
dala-dala'y naglalakihang kaldero't uy! ang saya-saya natin

o wala na ngang hihigit pa sa pagmamahal sa sariling bayan at kusina
ang Pinoy ay maswerte't laging may kaning inin na umuusok at nag-aanyaya
sa mga pagkaing sariling atin ako'y TL o Tulo-Laway at magana't kalimutan ang diyeta
heto't mga lutong Pinoy ng aking #Fbigan at anu-ano kaya ang mga niluluto nila

Ang Pinoy ay hindi pwedeng walang kanin. mismo!
YOU CAN BUY MY #EBIGAN BOOK HERE





BICOL EXPRESS AT KANIN by Beth Castillano-Ludwig

siguradong si Gabby C ay ipagpapalit ko sa kanyang gabi
mayroon kaya akong mga gabing napapakagat sa aking labi
sa kaiisip nitong pagkain na may gata't sobrang anghang o kay daming sili
hindi man ako taga Bicol ngunit ewan ko ba't ako sa kanya'y wiling-wili











GINISANG MUNGGO AT DAING by Jho Hosenilla-Saloum

aha!sina Jo't Ibrahim at silang dalawa'y sadyang magka-ulayaw
sila'y sadyang magkapalad at pawang hindi bibitaw
sa sinumpaang hindi matitinik at hihigop ng mainit na sabaw
go go munggo! tuwing Linggo ang pamilya'y humahataw


PANCIT CANTON, BIKO AT ADOBONG MANOK by Tita Ellie Amador

pinakyaw na nga ni Tita ang lahat at kanyang hinanda sa bisita
ang malasang pancit canton at adobong manok at nguso'y nagmantika
ang bikong malagkit ay para naman sa ating masarap na meryenda
sila'y talagang hit na hit sa ating mga gutom na bwisita este bisita







SIOPAO  BOLA-BOLA AT PALITAW by Rose Mae Torino-Plett

ang araw ay talagang lulubog at lilitaw ngunit hindi ang aking hiling
dati-rati sa Sta.Cruz at Ongpin ay madami akong siopao na nakapiling
may lahi po akong Intsik kaya't nung bata kami'y madalas sa Hong Ning
ang palitaw ay umahon na sa kumukulong tubig uy madyik! ang galing-galing!



TINOLANG MANOK by Manuel Valderrama Caceres Jr.

kokkorokkok! ang mga matatabang manok sa likod ng bahay ay pumipiyok
tatapikin muna ang leeg at sa ilalim ay may nakahandang mangkok ng bigas at biglang plok!
igigisa sa bawang sibuyas at luya't bubuhusan ng tubig O sige pa ang salok
hmmm ang bango't may malunggay o papaya't pinakukuluan sa loob ng palayok


PUTSERONG BAKA by Levi Baltazar Pintucan

baka kaya iyan din ay kung tawagin ay nilagang baka
naisip mo rin ba kung ano ang kanilang pinagka-iba
ang lola ko'y kung magluto ng putsero'y may pork & beans pa
ang sabaw ay manamis-namis at mayroong pechay at mais pang kasama















































INIHAW NA TILAPIA by Carole Frigillano

ito ang aking paborito nang ako'y mapatira dati sa Laguna
umaga pa lang ako'y nagtutungo na sa palengke ng Sta. Rosa
nasasabik akong tumingin sa bangketa't bumili ng sariwang tilapia
iihawin ng aking kapatid at ang sawsawan ay kamatis sibuyas bagoong at mangga






TURON by Chona Cando

'tol basta ako'y napapadaan sa isang turo-turo
malagasan man ako ng barya'y huwag kang magbibiro
bagong hango sa kawali't may langka panigurado
turon ang sigaw! aruy ang init pala't ang dila ko'y napaso






GINATANG SITAW NA MAY HIPON by Rich 

si ginang Sitaw ay isang luntiang gulay na pampahaba raw ng buhay
nasasakupan siya ni Ka Pinakbet at ang kanilang samahan ay makulay
si ginang Sitaw ay iginisa rin kay Tata Gata at kapiling ni Hipon bantay
ang kinalabasan ay malagkit na sabaw at nakakapaglaway na tunay hay buhay!

O ANO PA'NG HINIHINTAY N'YO? KAKAIN NA!!!

Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat