CHEEK TO CHEEK


aray! ano ba't tila ako'y bahagyang nahagip
sa pisngi ang tama kasi naman ako'y naidlip
magkaganun man bigla tuloy akong nakapag-isip
teka bakit maalinsangan yata't dito'y sumikip

naku! sa pagkaka-upo natin dito'y para tayong sardinas
555 kay hirap Ligo-Ligo ay ating Master na dinaranas
nababatid ko sa kanilang mga mukha ang pagkabanas
pawisan ang lahat masusubok ngayon ang gamit kong tawas

hindi basta makakibo't maliit mahigpit ang aking puwesto
buti na lang ako'y walang sipon ngunit may kaunting ubo
napapatingin sa akin ang mga barako't pinandidirihan siguro ako
inyo na ang virus hatsing! ano ba iyan matapang ang kanilang pabango

isang oras na lang at makikita kong muli ang mahal kong si Chiki
masisilayan kong muli ang kanyang mapupula't mabibilog na pisngi
ang sabi ni tatang magkakaroon na ako ng madaming Chiki-ting
yehey! epektibo ang aking pag-aalaga't pinag-aralang hog raising

hindi ko magawang umidlip at laging "pakiabot" kapag nagbabayaran
napaupo ako sa ika-pito't likuran ng tsuper kita ko ang kanyang bumbunan
dapat lang siguro'y kaunti lang ibayad ko't kalahating puwit lamang
biglang preno't ang pisngi ko'y napadikit sa katabi kong aleng matapang

pasensiya na po naku! siya pa ang may karapatang umismid
nagaspangan siguro sa aking pisngi't nanggagalaiti ang litid
bagong ahit pa nga ako siya nga itong madaming tigidig
may nunal pa siya sa daluyan ng luha tsk! kamalas sa pag-ibig

naalala ko tuloy ang dati kong kasintahang si Bienvenida alyas Betchay
ganun na lang ang tanggi ni Inay nang dalhin ko siya sa aming maralitang bahay
"anak kabata mo pa para mawala sa mundo sa pag-ibig ikaw ay maghinay-hinay"
ang kanyang mahiwagang nunal ang salarin kaya kaming dalawa'y nagkahiwalay

hay Inay! ang sumunod kong kasintahan ay si Libby at ganun din ang nangyari
"anak bakit ba ganun siyang makatingin sa iyo't parang lagi kang hinuhubaran?
palabas-labas pa ang dila't pinapaikot-ikot ang kanyang buhok ano ba iyan?"
para siyang kiti-kiti sa sapa't pusang nanganganay na hindi ko mawarian"

at ang naging huli kong kasintahan ay si Peach at umasa akong sana'y kami na
"anak, mamumulubi ka sa babaeng iyan at ang kulay ng buhok ay dilaw
sariwa pa ang kulay at nangangamoy ammonia't berde ang kulay ng kuko niya
nakababad iyan sa parlor at ayaw marumihan tiyak na mabubutas ang iyong bulsa"

butas-butas nga ang daan kaparis ng pisngi ni Brando't kami ngayo'y aalug-alog
maglaro muna kaya kami ni "Nunal" ng "Indian pana kakana-kana tatlong betlog..."
nang biglang may nangamoy aruy! siguradong ang almusal niya'y nilagang itlog
ang sabi nga ni Inay "huwag masyadong kumain ng itlog at baka ang utak ay mabugok!"

Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat