PINCH ME DECEMBER



hmmm at bahagyang ididilat ang aking mga mata
kukuskusin ng daliri ang aking kanang tainga
biglang hihinto't ipipikit muli ang aking mga mata
bibiling sa kaliwang tabi't yayapusin ka ehem unan pala

sa mahabang unan ang higpit ng aking mga yakap

kay lambot naman O kay bango ng amoy at kay sarap
hindi! hindi ako babangon at muli akong mangangarap
O kay lamig naman O asan ba ang kumot at bigla kong hinanap

babalutin ko ang sarili ng kumot at mamamaluktot
kung maigsi nga raw ang kumot e di mamaluktot!
paano naman ang kumot na tagpi-tagpi na't lukot?
ilang beses na bang tinahi't nagkapunit-punit ang poot!

kung minsan kung ano ang luma'y siyang laging suot

katulad ng luma kong puting Hanes lagi kong hinahablot
kay nipis na ng tela't pati ang shorts ay paborito kong saplot
idagdag pa ang medyas na butas-butas O kay ginhawa ang dulot

pakiramdam ko'y kapiling sina Skouteris sa Ibiza

alam kong may liwanag na sa labas at may araw na talaga
maiingay na ang mga manok O kay sarap gawing tinola't nilaga
may repolyo't patatas may saging na saba't panay ang buga

hindi! hindi pa rin ako didilat O kay lambot ng aking kama

kapapalit ko lang kagabi't isang bulaklaking kobrekama
animo tuloy ako'y nakahiga sa mga bulaklak ng gumamela
kapag nagtagal pa sa pagkakahiga'y maaari na rin akong bumula

naalala ko bigla ang "S bed"at  ito raw ay hari ng tibay

naku! ang kutson ay pinaapakan sa elepanteng tunay
pinagulungan din sa bulldozer at ang kutson ay hindi umaray
naglundagan ang malulusog at si Dabiana rin ay sumakay

bibilang na lang muna ako ng isa dalawa tatlo apat lima anim pito

kagabi lang ay nagbilang ako ng tupa't nag-isip ng kung sinu-sino
nag-akyat baba ang aking kaliwang braso sa aking malapad na noo
hindi ako makakalimot sa tradisyon ng paggalang ang pagmamano

hmmm at dumilat na nga ang aking mga mata nang kaunti

nakita ko agad sa kisame ang isang maliit na butiki
ang itlog ng butiki'y nakakagamot daw ng hika at iyan ang sabi ni Sy 
mabuti't hindi umuulan at ang bubong ni Nanay ay patsi-patsi

oras na para bumangon at harapin ang ngayon nang may kakaibang sigla

ngumiti ng labas ang ngipin at may keso't pandesal mabangong kape sa mesa
ilang araw na lang at Pasko't hmmm amoy pinipig na nga sa umaga
"and this woman is singing my song" at si Denden sa umaga'y ito ang kinakanta


Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat