MISA DE AGUINALDO IN PATEROS

kringggg! huh? 3:45 ang oras at siyang balikwas ko sa kama
tuluy-tuloy ako sa aming kubeta't nagwisik lang ako muna
aba! siyempre't nagsipilyo't inamuy-amoy ko ang aking hininga
ayos!plantsado na rin ang aking buhok at ang pogi ko hindi ba?

habang sinusuot ko ang aking sapatos ay nadidinig ko ang mga tao
ganito kasing oras dumadaan sa gilid ng bahay ang mga taga Pembo
galing sila sa tawiran habang naglalakad at nagkukuwentuhan "talaga, po?!"
pupunta sila sa simbahan ng Pateros at sa misa rin ay tiyak na dadalo

papalapit na nga ako ng simbahan ng Pateros O kay daming tao!
may mga taga Makati,Taguig at Pasig din kasing dumadayo
malamig ang simoy ng hangin at nag-uunahan ang mga grupo
ang mga magkasintahan ay magkahawak kamay at ang sweet 'no!

sa paligid-ligid ng simbahan ay kapansin-pansin ang mga sidera
sila'y mga nagtitinda ng kakanin at dapat may baon kang pera
kung hindi ikaw ay maglalaway sa amoy ng kanilang paninda
may puto bumbong, bibingkang may itlog na maalat kape't tsaa

sa loob ng simbahan at kapag may nakilala ka'y panay ang tanguan
ang makipaggitgitan o kiskisan ng mga braso ay hindi maiwasan
ang lahat ay nagkrukrus sa banal na tubig at gustong mabasbasan
e sana nga kung taimtim ang dasal nang maibsan ang kasalanan!

paano naman ang ibang kabataan at nagsisimba lang para manligaw
uy! kay gara ng kanilang porma't sa mga tsikas ay panay ang tanaw
ang ibang kababaihan ay nagbubulungan at nagtatakip pa ng pamaypay
may batang umiiyak at matandang umuubo't may aleng natapakan aray!

mabuti pa sina manang at manong at tahimik sila sa unahan o tabi
si manang ay nagrorosaryo habang si manong ay nakapikit lagi
masyado kayang dinaramdam ang mga sinasabi't sermon ng pari
natutulog na pala't naghihilik at napakrus tuloy si Manang at dyahi

ito nga ang aking unang araw ng nobena't pangako sa aking sarili
kailangang makabuo ako ng siyam na araw at ako'y dapat manatili
walang liban at kakayanin kong gumising ng madaling araw at lagi-lagi
mayroon akong kahilingan sa Kanya at isang sikreto na ayaw kong ipagsabi

nasasabik ako sa huling Misa de Aguinaldo sa ika-24 ng Disyembre
ito'y Bisperas ng Pasko at nasasabik ako sa Panunuluyan uy! siyempre
may magsisiganap bilang sina Hosef at Maria at ito'y isang dula't palatuntunan
ang sanggol na si Hesus ay bitbit ng pari't sa lahat ay pinahahalikan

ang banal na tinapay o hostia'y itinaas ng pari at ang kampana'y tumitili
kriing! kriing! O ang tunog at mayroon akong naalala't ako'y napangiti
dati-rati'y may isang babaeng may tililing at siya'y tumayo sa misa't dali-dali
binuksan ang kanyang payong animo'y ang kanyang kalasag sa mangyayari

natapos na nga ang banal na misa't ang lahat ay nakatayo't masayang umaawit
ang lahat ay masigla't pumapalakpak sa tugtog ng "Ang Pasko Ay Sumapit"
ito'y isang tradisyon at nakaugalian nating mga Kristiyano't namumukod tangi
salamat sa Diyos at naranasan kong muli ang Misa de Aguinaldo o SIMBANG GABI

Ang Belen sa loob ng Simbahan ng Pateros.
Ang Parokya ng San Roque, Pateros.







Ang mga nagsisimba sa Misa de Aguinaldo. Maraming salamat kay KYLE VASALLO para sa larawang ito.

Maraming salamat sa iyong pagsasalaysay ng iyong karanasan sa Simbang Gabi ng Pateros, Ginoong BONG RODRIGUEZ QUIOGUE. Siya'y taga Aguho at aking #Fbigan.
Maraming salamat sa iyong mga ibinahaging larawan ng Simbahan ng Pateros, LEAH CATHERINE, aking kababata't isa sa aking #PILYABLOGGERS.

Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat