AT MY WITS' END

"These wounds won't seem to heal, this pain is just too real."
This blog is dedicated to my friends who lost their loved ones. My deepest and heartfelt condolences at this most challenging time. 


problema! kapag pumasok sa utak ninuman
hahamakin ang lahat siguradong maguguluhan
uumpisahang mag-isip at matatapos din sa kawalan
mapapakagat labi't mapapapikit at may gustong takasan

ikaw ikaw ang dahilan O kung bakit siya nagkakaganyan
ako ang nakikita't ako ang nasisisi't ako ang may kasalanan
matagal ng panahon ang nagdaan at tayo'y magkapatawaran
bumangon ka! tayo'y nasa kasalukuyan at tapos na ang nakaraan

ang pinakamabigat sa lahat ay ang kawalan ng salapi

walang laman ang bulsa't ang pakiramdam ay aping-api
gusto mong maging hapi't gustong kumain ng marami
maglaga ng kamote o maglugaw kaya't ubos biyaya kasi

kalmahin ang sarili't masarap kumain ng kalamay
nagkukulong sa kuwarto't palakad-lakad hindi mapalagay
nakatingin sa kisame't may nakasulat doon  "pasaway"
mag-abang ka sa bintana't hay salamat lumagpas na si bumbay

pabigat ang mabigat at kikiluhin ba o titimbangin
ang tinutukoy mo ba'y ang mga taong pasanin
kapag may napapala sa iyo'y doon ka lang papansinin
pagbigyan mo minsan at ikaw naman ay aabusuhin

kung minsan ang inaakala mong suliranin ay isang oportunidad

nawalan ka man ng trabaho ngayo'y baka sa iba ka naman mapalad
hindi rin dapat gawing balakid ang isang pagiging may-edad
mas madami ang karanasan mas mataas ang marka ng kalidad

paano nga ba natin masisipat ang may pinagdadaanan

may bumibigat at nahihiyang sa kakakausap ng pinggan
namamayat sa kaiinom ng tubig at lagi kasing natutuyuan
tumatanda ang hitsura't si kuya'y napapanot na sa bunbunan

maglibang ka mahalin ang sarili't gawing abala
magdasal at sana'y habaan pa ang iyong pasensya
makihalubilo ka sa mga taong ikaw ay napapatawa
umaksyon! gumawa ng paraan kaysa maghintay ng himala

ang problema'y hindi namamahay kung minsan ay gumigilid

huwag magbulag-bulagan at ang solusyon din ay nasa paligid
pagkatapos makaraos sa isa'y may sumusunod pang tagilid
nagsimula sa maliit hanggang lumaki't parang walang patid

kung minsan talaga mas nangingibabaw ang respeto kaysa pag-ibig

kapos man ang memorya ng iba sa aking nagawa't nailista sa tubig
huwag nating sayangin ang natitirang panahon ilalagi pa natin sa daigdig
iwaksi natin ang inggit at ipagkibit balikat ang bagay na hindi mo madaig

natutunan ko na rin dumiretso sa Kanya at Siya'y nakikinig
ang aking pananahimik at magsulat na lamang ay aking ibig
ang bawat laman ng aking sinusulat ay siya rin aking bibig
ako'y tao rin may puno't dulo sa Diyos lamang mananalig




Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat