QUE DIOS TE BENTIGA

mama, para! diyan lang po sa pagbaba ng tulay
pakibilisan lang Miss at may pulis na bantay
pagbaba ko nga'y humaharurot ang jeep hay!
basta Biyernes ay ganito ang aking eksena't sanay!

kapag ako'y dumadaan O hindi maaaring hindi ako sisilay

kaliwa't kanan nga ang aking tingin at nakupo! nakakaumay
ang dami-daming lobo at kabi-kabila ang mga bangketa rito
pekeng CD's at mga hubad na litrato ng mga artista't porno

sa bandang kanan ay may mga bagong talop na malalaking santol
hmmm ang bango ng hopiang baboy at munggo O nakakaulol
bababa na sana ako ng underpass ngunit may lalaking sumisipol
senyasan sa bangketa't kapag ang pulis ay nagbubulakbol

sa may hagdan ng underpass nandun si Totoy at namamalimos mag-isa
siya'y batang paslit at napabayaan siguro ng mga magulang niya
kaawa-awa't siya'y walang lobo at nagbigay ako kahit man lang barya
sa isang saglit naisip kong siya'y nakangiti't may lobo O paano nga kaya? 

sa ilalim ng underpass ay mga sapatos na galing Marikina ang sukat
madaming lobo at naglipana ang mga Muslim at nagtitinda ng lahat
hikaw kwintas singsing na may mga pekeng bato't mura ang banat
"mano po Kuya Roger" siya ang aking tiyo't ako'y nagpapasalamat

pag-akyat ko nga ng underpass ay sumalubong sa akin ang mga lobo
mga aleng nagtitinda ng mga halamang gamot at pampalaglag ng ano?!
mayroon din pito-pito o 7 klase ng mga dahon at gamot sa lahat bueno!
gamot sa sakit ng tiyan at pagtatae't may gayuma rin daw Owws magkano?

ang tanong sa bandang kanan nga ba'y nandoon ang kabutihan
kasi sa bandang kaliwa'y may mga lobo at ang mga karatula'y naglalakihan
"Hula-P50 lamang" "Palm Reading P50" "Lahat P150" at ito'y promo?
ang mga manghuhula "kuno" dito'y may kanya-kanyang puwesto

"huwag kang mag-alala't ang lahat tungkol sa iyo'y aking isisiwalat
may asawa ka na ba? mga anak? iyon nga po sana ang aking ipagtatapat
mag-iingat ka sa kasintahan mo't may mamamatay na malapit sa iyo
masuwerte ka't makakapag-abroad ka't bumil ka ng tiket ng eroplano"

O ang hangin at nangangamoy usok na ng kandila't mga bulaklak
nagpapa-alala lang sa akin na oras na't parang ako'y tinutulak
amoy Sampaguita! pabili nga po ng sampung piso't lumipad ang lobo
"anak, ikaw ba'y naparito para usyosohin sila o dalawin ako?"

Amang nandito nga po ako sa Quiapo para makita't sambahin Kayo
ipagpatawad Nyo po't sa buhay naming tao'y kung minsan kami'y nalilito
ang daan patungo sa Iyo'y madaming istorbo't nakakaengganyo
ngunit salamat po sa Iyong simbahan at hindi nakakapasok ang mga lobo


I CAN'T GET THESE MEMORIES OUT OF MY MIND.
It was during my college years and it was the "old" Quaipo I knew. 
Sa bawat haplos sa iyong kamay ay may gabay.
Pagalingin N'yo po sana ang lahat ng maysakit.
AMEN.




Mga Tula kong Sikat parang Isdang Pinangat